Si Jesu-Cristo Ang Lahat sa Akin



Tula ni Pastor Carlos M. Castro

Carlos M. Castro is poet laureate of Pampanga — an honor given to a selected few. He is an ordained elder of the Grace Communion International – Pampanga. He is also a top executive of a real estate company based in Makati.

Mula ng makilala ko kung sino si Jesu-Cristo,
Ang puso ko’t kaisipan sa Kanya lagi ang tungo.
Laging naging hangarin ko makilala ko ng todo,
Pagkat walang mahalaga kundi Siya sa buhay ko,
Lahat tatalikuran ko, makamtan lamang si Cristo.

Ang buhay na walang hanggan ay makilala ang Ama,
Ang iisa’t tunay na Diyos at si Cristong Anak Niya.
Kaya tanging hangarin ko’y lubos Siyang makilala,
At nang aking maranasan angking kapangyarihan N’ya,
Makihati sa hirap Niya at nang matulad sa Kanya.

Ang lahat ay nasa Kanya, lahat ay para sa Kanya,
Siya ang larawan ng Diyos, ang Diyos na di-nakikita.
Masaganang karunungan ay natatago sa Kanya ,
Atin lamang makakamit ang ganap na pangunawa,
Kung makilala si Cristo, ang Hiwaga ng Diyos Ama.

Lahat ng kapangyarihan, maging kapamahalaan,
Ay nasasakop kay Cristo, ngayon, magpakailanman.
Buong kalikasan ng Diyos kay Cristo matatagpuan,
Walang hindi nasasaklaw ng Kanyang kapangyarihan,
Siya ang pinakadakila sa buong sandaigdigan.

Si Cristo ang pasimula, si Cristo rin ang Siyang wakas.
Ang Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan at bukas.
Ang Hari ng mga hari, ang gumupo kay Satanas,
Ang pinatay na Kordero at ating Tagapagligtas.
S’ya ang aking susundin, hanggang buhay ko’y magwakas.

Sa pamamagitan ni Cristo ang buong sandaigdigan,
Nakipagkasundo sa Diyos sa Kanyang kamatayan.
Dahil dito tayo ngayon tinuring na kaibigan,
Upang tayo’y makaharap nang walang kapintasan,
Banal at walang batik, malaya sa kasalanan.

Dahil sa Kanyang ginawa sa buhay kung sirang-sira,
Ako’y nabuhay na muli kasama ni Cristong dakila.
Pinatawad niyang lahat ang kasalanang nagawa,
At ang pitang makalaman, unti-unting nawawala,
Ang dati kung pagkatao ay nagbagong kasama Niya.

Panginoong Jesu-Cristo, manguna Ka sana sa’kin,
Ang lagi kang makapiling ang tangi kong adhikain.
Ang buhay kung espirituwal sana Iyong palakasin,
Manahan Ka sa puso ko, iyan ang aking dalangin,
Pagkat ikaw lamang Jesus, ang lahat-lahat sa akin.

This is a Tagalog poem by Pastor Carlos M. Castro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *