Sa unang pagkakataon siya ay aking nakita.
Nasa loob nang simbahan magara ang suot niya.
Puti na ang kanyang buhok ngunit maayos ang mukha,
Magkahalong saya’t lungkot sa puso ko ay nadama.
Daming beses kong inakay na pumunta sa simbahan,
Ngunit siya’y tumatanggi ang dahilan di ko alam.
Kagalanggalang ang kilos, ang ugali’y hahangaan,
Nguni’t hindi ko nakitang pumapasok sa simbahan.
Minsang kami’y nag-uusap, siya ay aking tinanong,
“Sa tanang buhay mo kaya, sa simbaha’y di natungtong?”
Isang mapait na ngiti, sinukli sa aking tanong,
Mapait na karanasan ang sa aki’y ibinulong.
Nang siya daw ay bata pa mahirap ang buhay nila,
Nagkukulang sa pagkain, pananamit lubas sila.
Isang araw siya’y niyaya sa simbahan ay pumunta.
Siya raw ay tuwang-tuwa sa mga narinig niya.
Sa kanilang Sunday School siya daw ay isinali.
Sa narinig niyang turo, siya daw ay wiling-wili.
Nguni’t laking pagkagulat nang sila daw ay pauwi,
Siya’y tinawag nang guro, may masakit na sinabi.
“Anak, huwag ka nang bumalik na ganyan ang pananamit,
Pagka’t sa tahanan ng Dios, dapat magara ang damit.”
Marumi ang kanyang paa, damit niya’y gula-gulanit
Kaya ang kanyang sinagot, “Ako’y di na po uulit.”
Hindi na nga siya umulit na pumasok sa simbahan.
Puso niya ay tumigas nang dahil sa naranasan.
Kahit ano pang sabihin ayaw nang paniwalaan,
Kaya pag-ibig ni Jesus ay hindi n’ya naranasan.
Di ba hinirang ng Diyos ang dukha sa sanlibutan,
Nang sa pananampalataya sila naman ay yumaman?
Bakit tayo nagtatangi, namimili nang mayaman,
Ang dukhang sulsi ang damit ay ating tinatanggihan?
Sa unang pagkakataon siya ay aking nakita.
Nasa loob nang simbahan magara ang suot niya,
Puti na ang kanyang buhok ngunit maayos ang mukha,
Ngayon isa na siyang bangkay, kaya ako’y napaluha.
Kuya Len, maraming-maraming salamat sa ginawa ninyo para sa akin. Naging malaking inspirasyon ito para sa akin upang magpatuloy na sumulat ng mga tula para sa Kanya. Purihin ang Diyos!