May mga Kristiyanong nakakaranas ng matinding kalungkutan sa kaiisip kung ano na ang nangyari sa kanilang mga mahal sa buhay na namatay na bago pa man sila nakapagpahayag ng kanilang pananalig kay Hesu Kristo. Nasa impyerno na nga ba ang isang tao kapag namatay nang hindi pa alam ang magandang balita? Iyan ang paniwala ng karamihan ng mga Kristiyano.
Wala Bang Magagawa Ang Diyos?
Para bang iniisip natin na ang Diyos ay wala nang magagawa na iligtas ang mga tao sa ibang pamamaraan liban na lang ayon sa ating alam.
Di Dapat Mag-alala
Marami tayong hindi alam kung papaano at kung kailan ang Diyos kikilos sa puso ng mga tao upang sila ay dalhin sa pananalig sa Diyos. Pero marami rin tayong nalalaman, at yung ating nalalaman ay nagbibigay sa atin ng maraming dahilan upang huwag matakot tungkol sa ating mga mahal sa buhay na maaaring di pa nakapagpahayag nang pagtanggap kay Kristo bago sila namatay.
Ang Diyos ay Mapagtiis
Una at pinakamahalaga, alam natin ang puso ng Diyos tungkol sa kanila. “Siya ay mapagtiis sa atin,” sinulat ni Pedro sa 2 Pedro 3:9, “Hindi niya nais na ang sinuman ay mapahamak kundi ang lahat ay magsisi.”
Ang Diyos ay Hindi Nahahadlangan
Ang Diyos ay hindi nahahadlangan ng pagkamatay ng tao. Nilupig ni Hesus ang kamatayan. At matagal nang binayaran ni Hesus ang lahat ng kasalanan ng mga tao bago pa man ang sino man sa atin ay ipinanganak. Sa 1 Juan 2:2, isinulat ni Juan, tungkol kay Hesus na, “Siya ang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. Hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para rin naman sa mga kasalanan ng buong sanlibutan.”
Hindi man natin alam kung papaano o kailan ang Diyos kikilos sa puso ng bawa’t isa, pero alam natin na sinabi ni Hesus sa Juan 12:32, “Ako, kapag ako ay maitaas na mula sa lupa, ay ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin.”
At alam natin na sa Juan 3:17, sinabi ni Hesus, “Ito ay sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan. Sinugo niya ang kaniyang anak upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”
Gawi na ng Diyos na iligtas ang mga makasalanan, hindi upang ikondena sila, kaya nga ang Anak, na siyang perpektong pagpapakilala ng Ama, ay naging isa sa atin at inako sa kanyang sarili ang lahat ng mga kasalanan ng tao upang iligtas tayo.
Pwede tayong manalig sa ganyang klase ng Diyos na mamahalin niya ang ating mga mahal sa buhay na mas higit pa sa ating pagmamahal, at na kanyang aabutin sila patungo sa pagsisisi at kaligtasan sa mga paraan na hindi natin alam at maaring hindi natin naiisip.
Ang Diyos ay Pag-ibig
Ang Diyos ay pag-ibig, sabi ng Bibliya, at si Pablo sabi niya sa Roma 13:10, “Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa.”
Sabi ni Pablo sa Colosas 1:19-20: “Sapagka’t minagaling ng Ama na ang buong kapuspusan ay manahanan sa kaniya; at sa pamamagitan niya ay pakipagkasunduin sa kanya ang lahat ng mga bagay, na pinayapa niya sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus.”
Ang Impyerno Para sa Ayaw Na Talaga
Ang impyerno ay hindi para sa mga makasalanan, kasi kung ganun doon tayo papunta lahat. Ang impyerno ay siyang ginustong piliin ng mga makasalanang ayaw na talagang magbago, yung mga talagang ginusto, talagang sinadya at permanente nang tinanggihan ang walang kamatayang pag-ibig ng Diyos na nagpapatawad at pinagkakasundo ang mga makasalanan.
Ang Diyos Nasa Panig Natin
Huwag na huwag nating kalimutan na ang Diyos ay nasa ating panig. Siya ay panig sa atin, hindi laban sa atin, at siya ay hindi nasisiyahan sa kamatayan ng mga masasama. Ipanalig ninyo ang inyong mga mahal sa buhay sa kanya. Nasa mabuti silang kamay.