|

Minsan nang aking nabatid, mahal pala tayo ng Diyos, Nagkaroon ng pagasa itong buhay kong hikahos. Sa 'king pagninilay-nilay, ito ang aking natalos, Ang pag-ibig ng Maykapal ay sa atin ibinuhos, Sa pamamagitan ni Cristo nang namatay Siya sa krus. Isang pag-big na tunay, pagmamahal na dalisay, Pag-ibig na di masukat, wagas, at walang kapantay. Pag-ibig na mahabagin, magiliw at gintong lantay, Mula sa puso ng Ama, ito'y Kanyang inialay, Kusang loob na kaloob upang tayo ay mabuhay.
Kahanga-hangang pag-ibig sa isip ko sumalimbay. Tulad ng sikat ng araw sa panahon ng tag-ulan' Simoy ng hanging malamig sa panahon ng tag-araw, Nagbibigay ng liwanag sa dilim na ating taglay, Sa pag-ibig ng ating Diyos doon ako mamumuhay. Kamatayan man o buhay, mga bagay na darating. Bagay sa kasalukuyan, mga kapangyarihan din. Kataasan, kalaliman, gutom, tabak at pasanin, Kapighatian at lumbay, anuman na sasapitin, Walang makapaghiwalay sa pag-ibig Niya sa atin. Nang tayo'y makasalanan at tayo ay kaaway pa, Kanya nang ipinadama matamis na pag-ibig Niya. Binigay ang Kanyang Anak upang Siya ang magdusa, Upang Siya ang magbayad sa ating pagkakasala, At sa Krus ng Kalbaryo, pag-ibig Niya'y pinakita. Tayo'y Kanyang pinalitan, inako ang kasalanan, Lahat ng sala ng mundo, Siya lahat ang pumasan. Dahil sa 'ting kasalanan kaya Siya nasugatan, Katulad Siya ng korderong ihahatid sa patayan Kamunti man di tumutol para sa 'ting kaligtasan. Yamang ganoon kadakila, pag-ibig ng Diyos sa atin, Dapat tayong magmahalan, pagka't Siya'y nasa atin.. Dapat Siyang paglingkuran, isagawa ang gawain, Handog Niyang kaligtasan, sana ipahayay natin, Sa buong sandaigdigan, pag-ibig niya ay sambitin! O' Jesus na mapagmahal, kami sana ay samahan, Upang aming ipagdiwang ang handog mong kaligtasan. Sa bawa't sandali sana, kami Jesus ay ingatan, Upang Saiyo manatili, manalig magpakailanman Nang ang pag-ibig Mo sa 'min, maibahagi kaninuman.
Pastor Carlos M. Castro is an ordained elder of Grace Communion International, local congregation of Pampanga. He loves poetry. More poems from Pastor Castro can be found by searching his name on this site (see Search Box on the upper right hand corner of this page).
|